- Kung positibo ang iyong mga resulta ng mpox, isang tao mula sa inyong Local Public Health Unit (LPHU) ang makikipag-ugnayan para magbigay ng payo.
- Maaaring hilingin sa iyo na baguhin ang ilan sa iyong mga pang-araw-araw na gawain upang mabawasan ang panganib ng pagkalat ng mpox sa ibang tao.
- Para sa karamihan ng mga taong may mpox, ang mga sintomas ay maaaring pamahalaan sa pamamagitan ng pananatiling hydrated at pag-inom ng gamot sa pananakit na hindi kailangan ng reseta.
On this page
Ang mpox (dating kilala bilang monkeypox) ay isang sakit na dulot ng monkeypox virus. Ito ay kadalasang kumakalat sa pamamagitan ng balat-sa-balat na pagkakadikit sa mga pantal, paltos at mga sugat o pagkadikit sa mga likido sa katawan mula sa taong may mpox. Ito ay karaniwang isang banayad na karamdaman at karamihan sa mga tao ay gumagaling sa loob ng ilang linggo nang walang anumang partikular na paggamot.
Mga sintomas ng mpox
- Pantal o mga sugat: Maaaring lumitaw kahit saan sa katawan ngunit kadalasan sa paligid ng ari, puwit, bibig, mga kamay o mukha. Ang mga ito ay tila mga tagihawat, ulser o pigsa. Nagkakaiba-iba ang dami ng mga sugat. Ang pantal ay maaaring magbago at dadaan sa iba't ibang yugto, bago maging langib na natutuklap.
- Iba pang mga sintomas: Lagnat, panginginig, pananakit ng lalamunan, pananakit ng kalamnan, pamamaga ng mga lymph node, pagkahapo, pananakit ng ulo, pananakit ng puwit o tumbong o pananakit kapag umiihi.
- Karaniwang nagsisimula ang mga sintomas 3 hanggang 21 araw pagkatapos magkaroon ng kontak sa isang taong may mpox.
- Ang mga taong ganap na nabakunahan laban sa mpox ay maaaring magkaroon lamang ng banayad na mga sintomas.
Mga pag-iingat
Habang naghihintay sa iyong mga resulta:
- Huwag magkaroon ng malapitan o intimate na kontak sa iba, kabilang ang pakikipagtalik at balat-sa-balat na kontak.
- Takpan ang mga sugat kapag nasa paligid ng ibang tao o mga alagang hayop. Gumamit ng hindi tinatagusan ng tubig na dressing o benda at magsuot ng damit.
- Magsuot ng surgical mask kapag nasa paligid ng ibang tao o mga alagang hayop kung mayroon kang namamagang lalamunan, mga sugat sa bibig o ikaw ay umuubo.
- Regular na maghugas ng mga kamay gamit ang sabon at tubig at takpan ang iyong bibig kapag umuubo o bumabahing.
- Iwasang hipuin ang iyong mukha o kuskusin ang iyong mga mata, lalo na kung mayroon kang mga paltos sa o malapit sa iyong mga mata o kamay.
Kung mayroon kang mpox
Kung positibo ang iyong mga resulta, isang tao mula sa inyong Local Public Health Unit (LPHU) ang makikipag-ugnayan para magbigay ng payo at upang malaman kung may iba pang nasa panganib. Makakatulong siya sa pagtukoy ng iba pang mga tao na maaaring nakaugnayan mo habang ikaw ay nakakahawa, upang maalertuhan sila sa panganib ng pagkakaroon ng mpox. Ipapaalam niya ito sa iyong mga contact nang hindi isinisiwalat ang iyong pagkakakilanlan. Sa ilang pagkakataon, maaaring mag-alok ng pagbabakuna sa malalapit na kontak para maiwasan nila ang pagkakaroon ng mpox.
Maaaring hilingin sa iyo na baguhin ang ilan sa iyong mga pang-araw-araw na gawain upang mabawasan ang panganib ng pagkalat ng mpox sa ibang tao. Paminsan-minsan, maaaring hilingin sa iyo ng LPHU na manatili sa bahay at humiwalay sa ibang mga tao kung may mas mataas na panganib ng pagkalat ng mpox, halimbawa, kung hindi mo kayang takpan ang iyong mga sugat o magsuot ng mask, o kung mayroon ka ng Clade Ib strain ng monkeypox virus na kumakalat sa mga bahagi ng Africa.
Para sa karamihan ng mga taong may mpox, ang mga sintomas ay maaaring pamahalaan sa pamamagitan ng pananatiling hydrated at pag-inom ng gamot sa pananakit na hindi kailangan ng reseta. Para sa mas malalang mga kaso, maaaring magrekomenda ang iyong doktor ng iba pang paggamot.
Pagprotekta sa iba
Mangyaring patuloy na sundin ang parehong payo tulad noong nagpasuri ka, at gayundin:
- Huwag magkaroon ng malapitan o intimate contact sa iba, kabilang dito ang lahat ng sekswal na aktibidad.
- Huwag makisalo ng mga bagay o kagamitan, kabilang ang mga damit, kumot, tuwalya, kubyertos o pinggan at tasa at iba pa, at maglaba ng sarili mong labada hangga't maaari.
- Magtrabaho mula sa bahay kung maaari, maliban kung ipinayo ng inyong LPHU na maaari kang pumasok sa lugar ng trabaho.
- Limitahan ang malapitang kontak sa mga miyembro ng sambahayan, tulad ng pagtulog sa isang hiwalay na kuwarto at paggamit ng hiwalay na banyo kung maaari.
- Linisin at disimpektahin kaagad pagkatapos gamitin ang anumang mga pinagsasaluhang mga lugar o shared space (kabilang ang mga banyo), appliance o bagay.
- Iwasan ang kontak sa ibang tao, lalo na sa mga nasa mas nanganganib ng malubhang sakit, tulad ng mga immunosuppressed na tao, mga buntis, o mga bata.
- Huwag pumasok sa mga lugar na may mataas na panganib tulad ng mga pasilidad ng childcare, aged care o pangangalagang pangkalusugan kung saan maaaring may mga taong mas mataas ang panganib ng malalang sakit, kabilang ang para sa trabaho, nang hindi muna tinatalakay sa LPHU (maliban kung humihingi ng medikal na atensyon).
- Huwag magkaroon ng malapitang kontak sa mga hayop (lalo na sa mga aso at daga) dahil sa posibilidad ng pagpasa ng sakit mula sa tao patungo sa hayop.
- Huwag mag-donate ng anumang tissue ng tao, kabilang ang dugo, mga selyula, tissue, gatas ng ina, semilya, o mga organo.
- Sabihin sa iyong mga kamakailang katalik na sekswal na maaaring nalantad sila sa mpox (makakatulong ang LPHU na sabihin ito sa mga tao nang hindi nagpapakilala kung mas gugustuhin).
Nakakahawang panahon
Ang mga taong may mpox ay maaaring nakakahawa mula 4 na araw bago magsimula ang mga sintomas hanggang sa mawala ang lahat ng mga sintomas.
Sasabihin sa iyo ng iyong doktor kapag hindi ka na nakakahawa.
Ikaw ay nakakahawa hanggang sa:
- lahat ng sugat ay naglangib, at
- natanggal na ang mga langib at nabuo ang sariwang patong ng balat sa ilalim, at
- anumang sakit sa tumbong (sakit sa o sa paligid ng puwit) ay ganap nang nawala.
Paggaling
Pagkatapos mabigyan ng clearance ng iyong doktor, maaari ka nang bumalik sa iyong mga normal na aktibidad, ngunit dapat kang:
- gumamit ng condom para sa anumang sekswal na aktibidad sa loob ng 12 linggo pagkatapos mawala ang mga sintomas
- huwag mag-donate ng dugo, mga selyula, tissue ng tao, gatas ng ina, semilya o organo sa loob ng 12 linggo
- lubusang linisin at disimpektahin ang iyong tahanan. Ito ay lalong mahalaga kung mayroon kang mga langib na maaaring nalaglag sa bahay.
Saan makakahingi ng tulong
- Palaging tumawag ng ambulansya kapag may emerhensya: Tumawag sa 000 (Triple Zero)
- Emergency department ng pinakamalapit na ospital sa inyo
- Ang iyong GP (doktor)
- Nurse-on-Call Telepono 1300 60 60 24 (24 na oras, 7 araw) – para sa kumpidensyal na payo sa kalusugan mula sa isang rehistradong nars
- Melbourne Sexual Health Centre Tel. (03) 9341 6200 o 1800 032 017 o TTY (para sa may kapansanan sa pandinig) Tel. (03) 9347 8619
- Thorne Harbour Health (dating Victorian AIDS Council) Tel. (03) 9865 6700 o 1800 134 840
- Ang mga serbisyo sa pagpapayo at suporta ay makukuha sa pamamagitan ng iyong GP o serbisyong pangkalusugan. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang Mental Health and Wellbeing Hubs.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang Mpox.
This page has been produced in consultation with and approved by: