- Kung ikaw ay natukoy bilang isang contact, nangangahulugan ito na nagkaroon ka ng malapitang kontak sa isang taong may mpox habang siya ay nakakahawa.
- Dapat mag-ingat ang mga contact ng mpox at subaybayan ang mga sintomas sa loob ng 21 araw makaraan ang huling pagkalantad.
- Maaari kang alukan ng bakuna kasunod ng pagkalantad upang mabawasan ang iyong panganib ng mpox.
On this page
Ang mpox (dating kilala bilang monkeypox) ay isang sakit na dulot ng monkeypox virus. Ito ay kadalasang kumakalat sa pamamagitan ng balat-sa-balat na pagkakadikit sa mga pantal, paltos at mga sugat o pagkadikit sa mga likido sa katawan mula sa taong may mpox.
Karaniwang nagsisimula ang mga sintomas 3 hanggang 21 araw pagkatapos magkaroon ng kontak sa isang taong may mpox. Ang mga taong ganap na nabakunahan laban sa mpox ay maaaring magkaroon lamang ng banayad na mga sintomas.
Paano malalaman kung isa kang contact
Maaaring sinabihan ka ng isang taong kilala mo o ng isang Local Public Health Unit (LPHU) na nagkaroon ka ng kontak sa isang taong may mpox.
Maaari kang matukoy bilang isang contact kung:
- Nakipagtalik ka sa isang taong may mpox.
- Nagkaroon ka ng pisikal na kontak sa isang taong may mpox.
- Kasama mo sa tirahan ang isang taong may mpox.
- Maaaring nagkaroon ka ng kontak sa mga kontaminadong bagay, tulad ng mga damit o kumot.
Ano ang dapat gawin kung ikaw ay natukoy bilang isang contact
Kung ikaw ay natukoy bilang isang contact ng mpox, ito ay nangangahulugan na nagkaroon ka ng malapitang kontak sa isang taong may mpox habang siya ay nakakahawa, na naglalagay sa iyo sa panganib na mahawahan.
Ang mga Local Public Health Units (LPHUs) ay magpapayo sa mga contact tungkol sa pangangailangang subaybayan ang mga sintomas sa loob ng 21 araw pagkatapos ng pagkalantad, at mga pag-iingat na dapat sundin. Sa ilang mga pagkakataon, maaari kang alukan ng bakuna kasunod ng pagkalantad upang mabawasan ang iyong panganib ng mpox.
Bilang karagdagan, sa loob ng 21 araw pagkatapos malantad, dapat mong:
- Iwasan ang malapitang kontak sa ibang tao na may mas mataas na panganib ng malubhang sakit tulad ng mga bata, matatanda, buntis, at taong may mahinang naturalesa.
- Iwasan ang mga lugar na may mataas na panganib, tulad ng mga pasilidad ng childcare, aged care at pangangalagang pangkalusugan, maliban kung pupunta roon para sa trabaho o hihingi ng medikal na atensyon.
- Tiyaking ikaw ay walang sintomas, lalo na kung nagtatrabaho sa isang lugar na may mataas na panganib.
- Huwag mag-donate ng dugo, mga selyula, tisyu, gatas ng ina, semilya, o mga organo.
Maaaring payuhan kang umiwas sa sekswal na aktibidad sa loob ng 21 araw pagkatapos ng pagkalantad sa mpox kung nagkaroon ka ng mataas na panganib ng pagkalantad (halimbawa, sa pakikipagtalik). Sa pambihirang pagkakataon na ikaw ay contact ng isang taong pinaghihinalaang may ibang strain (uri) ng monkeypox virus na kasalukuyang hindi kumakalat sa Australya, maaari kang subaybayan nang mas mabuti ng LPHU at atasan na magsagawa ng mga karagdagang pag-iingat.
Kung magkaroon ka ng mga sintomas
Kung magkaroon ka ng mga sintomas ng mpox, dapat kang humingi kaagad ng medikal na pangangalaga at pagsusuri. Ang pagsusuri ng mpox ay maaaring gawin sa alinmang serbisyo sa pangunahing pangangalaga (GP clinic) o serbisyo sa kalusugang sekswal. Magsuot ng mask at tumawag muna sa klinika upang ipaalam sa kanila na pupunta ka. Kung mayroon kang anumang mga pantal, sugat o langib, tiyaking may takip ang mga ito.
Makipag-ugnayan sa inyong LPHU upang ipaalam sa kanila na mayroon kang mga sintomas.
Habang naghihintay ng iyong mga resulta ng mpox:
- Huwag magkaroon ng malapitan o intimate na kontak sa iba, kabilang ang pakikipagtalik at balat-sa-balat na kontak.
- Takpan ang mga sugat kapag nasa paligid ng ibang tao o mga alagang hayop. Gumamit ng hindi tinatagusan ng tubig na dressing o benda at magsuot ng damit.
- Magsuot ng surgical mask kapag nasa paligid ng ibang tao o mga alagang hayop kung mayroon kang namamagang lalamunan, mga sugat sa bibig o ikaw ay umuubo.
- Regular na maghugas ng mga kamay gamit ang sabon at tubig at takpan ang iyong bibig kapag umuubo o bumabahing.
- Iwasang hipuin ang iyong mukha o kuskusin ang iyong mga mata, lalo na kung mayroon kang mga paltos sa o malapit sa iyong mga mata o kamay.
Saan makakahingi ng tulong
- Hanapin ang inyong Local Public Health Unit
- Palaging tumawag ng ambulansya sa isang emerhensya (triple zero) Tel. 000
- Departamento ng emerhensya ng inyong pinakamalapit na ospital
- Ang iyong GP (doktor)
- Nurse-on-Call Telepono 1300 60 60 24 (24 na oras, 7 araw) – para sa kumpidensyal na payo sa kalusugan mula sa isang rehistradong nars
- Melbourne Sexual Health Centre Tel. (03) 9341 6200 o 1800 032 017 o TTY (para sa may kapansanan sa pandinig) Tel (03) 9347 8619
- Thorne Harbour Health (dating Victorian AIDS Council) Tel. (03) 9865 6700 o 1800 134 840
- Ang mga serbisyo sa pagpapayo at suporta ay makukuha sa pamamagitan ng iyong GP o serbisyong pangkalusugan. Ang karagdagang impormasyon ay matatagpuan din sa Mental Health and Wellbeing Hubs ng Kagawaran ng Kalusugan
This page has been produced in consultation with and approved by: