- Normal lang na ikaw ay magkaroon ng matitinding reaksyon pagkatapos ng isang nakababahala o nakakatakot na pangyayari. Ang isang nakababahalang pangyayari ay maaaring: isang bushfire o baha, isang krimen o karahasan na ginawa sa iyo, isang aksidente sa sasakyan, pisikal o sekswal na sinaktan, nakakita ng mga larawan, mga ulat ng balita o mga post sa social media tungkol sa mga nakababahalang pangyayari.
- Maaari kang makaranas ng iba't ibang reaksyong pisikal, sa isipan, emosyonal at sa asal. Ngunit maraming bagay ang magagawa mo upang makayanan at makabangon.
- Kung nakakaranas ka pa rin ng mga sintomas pagkatapos ng 3-4 na linggo, mahalagang humingi ng tulong.
On this page
Saan makakahingi ng tulong
- Ang Iyong GP (doktor)
- Ang espesyalistang tumutulong sa iyong kalusugan ng isip, tulad ng sikayatris, sikologo, tagapayo o social worker
- Ang inyong lokal na community health center
- Australian Psychological Society Referral Service Tel. 1800 333 497
- Phoenix Australia Centre for Post-traumatic Mental Health Tel. (03) 9035 5599
- Centre for Grief and Bereavement Tel. 1800 642 066
Libreng tulong ng espesyalista sa trauma:
- Kung ikaw ay naging biktima ng isang krimen, bisitahin ang victimsofcrime.vic.gov.au/services-for-victims-of-crime-[filipino]. Maaari mo ring tawagan ang Victims of Crime Helpline sa 1800 819 817. May makukuhang serbisyo ng interpreter.
- Kung ang iyong anak ay naapektuhan ng di-umano'y sekswal na pag-atake sa mga bata sa mga childcare centre sa Melbourne, mayroong nakatalagang libreng linya ng pagpapayo sa 1800 791 241. May makukuhang serbisyo ng interpreter.
- Kung naaksidente ka sa sasakyan, makipag-ugnayan sa Amber Community – suporta sa insidente sa kalsada at edukasyon sa (03) 8877 6900 o 1300 367 797.
Maaari kang makakuha ng payo mula sa:
- Lifeline Tel. 13 11 14
- GriefLine Tel. 1300 845 745
- beyondblue Tel. 1300 22 4636
- NURSE-ON-CALL Tel. 1300 60 60 24 – para sa ekspertong impormasyon at payo sa kalusugan (24 oras, 7 araw)
- Australian Parenting Website – raisingchildren.net.au
Maaari ka ring makinig sa trauma at recovery podcast na ito.
Bisitahin ang Health Translations para sa trauma at impormasyon sa iyong wika tungkol sa pagbangon mula sa trauma.
Mga posibleng reaksyon mo sa trauma
Ang iyong pagtugon sa trauma ay maaaring maapektuhan ng mga sumusunod:
- uri at kalubhaan ng traumatikong pangyayari
- kung mayroon kang anumang nakaraang karanasan o pagsasanay
- kung direktang kasangkot ka o isang tagamasid lamang
- dami ng tulong na makukuha mo pagkatapos ng pangyayari
- iba pang nakababahalang pangyayari sa iyong buhay
- kung paano mo madalas hinaharap ang mga nakakabahalang sitwasyon
- anumang nakaraang traumatikong karanasan.
Kapag tapos na ang isang nakakabahalang pangyayari, baka mapaisip ka kung ano ba talaga ang nangyari. Maaaring kabilang dito ang pag-iisip tungkol sa:
- paano at bakit ito nangyari
- paano at bakit ka nasangkot
- bakit ganito ang nararamdaman mo
- kung ang nararamdaman mo ay nagpapahiwatig kung anong uri ka ng tao
- kung binago ng karanasan ang iyong pananaw sa buhay, at kung paano.
Maaari ka ring makaranas ng mga reaksyong emosyonal, pangkaisipan, pisikal at pang-asal.
Mga emosyonal na reaksyon sa trauma
Maaari mong maramdaman:
- masyadong nababahala, nababalisa o natatakot
- nagpapanik na para bang may iba pang mangyayari
- parang nasa panganib ka
- manhid o nabigla
- nalilito
- Mas madalas na emosyonal at malungkot
- hapong- hapo at pagod
- nalulumbay
- maprotekta sa iba kabilang ang pamilya at mga kaibigan
- parang ayaw mong umalis ng bahay
- parang gusto mong lumayo o umiwas sa mga tao at lugar.
Ang mga reaksyong ito ay normal, at maaari mong maramdaman ang marami sa mga reaksyong ito nang sabay-sabay.
Ito ay bahagi ng natural na proseso ng pagpapagaling at pagbawi ng iyong katawan, at sa karamihan ng mga kaso ay mas gaganda ang iyong pakiramdam.
Mga reaksyon ng isip sa trauma
Maaaring:
- mahirapan kang mag-concentrate o makaalala ng mga bagay
- maisip mo ang pangyayari kahit ayaw mo
- paulit-ulit mong naaalala ang pangyayari sa iyong isipan
- malito ka o mawalan ng direksyon.
Mga pisikal na reaksyon sa trauma
Ang iyong katawan ay maaaring:
- makararamdam ng pagkahapo o labis na pagkapagod
- mahirapang makatulog
- Makaramdam ng pagkaliyo, pagsusuka, pagkahilo at sakit ng ulo
- makaranas ng sobrang pamamawis
- mabilis ang tibok ng puso.
Mga reaksyon ng pag-aasal sa trauma
Maaaring nais mong:
- iwasang maalala ang nangyari
- patuloy na iniisip at pinag-uusapan ang nangyari
- baguhin o umiwas sa mga karaniwang gawain mo sa araw-araw
- kumain nang labis o halos hindi kumain
- uminom ng mas maraming alak at/o kape
- manigarilyo
- hindi matulog.
Paano maghilom at makaahon matapos ang trauma
Anumang bagay na naglalagay sa panganib ng iyong kaligtasan o buhay, o ng iba, ay maaaring magdulot sa iyo ng matinding stress. Ito ay tinatawag na ‘emergency mode’ at nangyayari kapag ang katawan mo ay tumutugon sa isang banta. Sinisikap ng katawan nating magbigay ng maraming enerhiya agad-agad para makaligtas tayo.
Karamihan sa mga tao ay mananatili sa 'emergency mode' sa loob lamang ng maikling panahon. Ngunit maaari kang bumalik sa 'emergency mode' kapag may hindi inaasahang nangyari o muli kang nakaranas ng matinding stress. Kaya maaaring makaramdam ka ng pagod pagkatapos ng isang traumatikong pangyayari.
Para matulungan ang iyong katawan na gumaling at makabawi, kailangan mong tulungan ang iyong sarili na makalabas sa ‘emergency mode'. Tinutulungan nito ang iyong katawan na mag-reset at bumalik sa normal na lakas. Karaniwan itong nangyayari sa loob ng halos isang buwan matapos ang pangyayari.
Maraming mga paraan na makakatulong sa iyo na gumaling at makabangon. Maaaring:
- mapagtanto mo na dumaan ka sa isang nakababahala o nakakatakot na karanasan. Ang iyong mga reaksyon ay normal lang
- tanggapin mo na hindi mo mararamdaman ang iyong sarili, ngunit lilipas din ito
- subukan mong huwag magalit o mabigo sa iyong sarili kung hindi mo kayang gawin ang mga bagay gaya ng dati
- iwasang uminom ng alak o gumamit ng droga para matulungan kang makayanan
- iwasang gumawa ng malalaking desisyon o malaking pagbabago sa buhay hangga't hindi pa bumubuti ang iyong pakiramdam
- magdahan-dahan sa pagbalik sa normal mong buhay
- makipag-usap sa isang taong maaaring sumuporta at umunawa sa iyo
- subukang panatilihin ang iyong normal na gawain at manatiling abala
- subukang huwag piliting iwasan ang ilang mga lugar o aktibidad
- maglaan ng oras para magpahinga
- maglaan ng oras para sa regular na ehersisyo
- sabihin sa iyong pamilya at mga kaibigan kung anong tulong ang kailangan mo, tulad ng time out o isang taong makakausap
- gumamit ng mga pamamaraan sa pagre-relaks tulad ng yoga, mabuting paghinga o pagmumuni-muni. Maaari ka ring gumawa ng mga bagay na gusto mo, tulad ng pakikinig ng musika o paghahardin
- ipahayag ang iyong mga damdamin gaya ng iyong nararamdaman. Maaari kang makipag-usap sa isang tao tungkol sa iyong nararamdaman o isulat ang mga ito
- harapin ang iyong mga alaala at karanasan kung nararamdaman mo ang mga ito. Pag-isipan ang mga ito, pagkatapos ay itabi ang mga ito. Kung ito ay nagdudulot ng iba pang mga alaala, subukang panatilihing hiwalay ang mga ito sa kasalukuyang problema.
Kung nahihirapan ka pa rin, maaari kang kumuha ng propesyonal na tulong
Ang stress na dulot ng isang traumatikong pangyayari ay maaaring magpatuloy. Dapat kang humingi ng propesyonal na tulong kung:
- nakakaramdam ka ng labis na pagkabalisa nang mahigit sa isang buwan pagkatapos ng pangyayari
- patuloy na parang manhid at hungkag ang iyong damdamin
- patuloy kang nakikitaan ng mga pisikal na palatandaan ng stress
- patuloy na putol-putol ang iyong pagtulog o nababangungot ka
- subukang iwasan ang anumang bagay na nagpapaalala sa iyo ng iyong mga naranasan
- wala kang ibang mapagsabihan ng iyong nararamdaman
- nalaman mo na ang mga relasyon mo sa pamilya at mga kaibigan ay naapektuhan
- gulung-gulo ang isipan
- mas madalas na pag-inom ng alak o paggamit ng droga
- hindi makabalik sa trabaho o magawa ang pang-araw-araw na mga responsibilidad
- binabalik-balikan sa isipan ang traumatikong karanasan
- nakakaramdam ng kaba sa lahat ng oras at madaling magulat.
Tungkol sa post-traumatic stress disorder (PTSD)
Pagkatapos ng isang nakababahalang pangyayari, nakita ng ilang tao na hindi sila bumubuti pagkatapos ng halos isang buwan o mahigit pa.
Ang ganitong uri ng reaksyon ay maaaring makaapekto sa iyong buhay sa maraming paraan. Maaaring mabago nito ang iyong mga relasyon sa pamilya at mga kaibigan o maging mas mahirap para sa iyo na magtrabaho.
Ito ay maaaring post-traumatic stress disorder, o PTSD.
Kung sa tingin mo ay dumaranas ka ng PTSD, dapat kang humingi ng tulong sa isang propesyonal sa kalusugan.
Kung sa anumang oras ay nag-aalala ka tungkol sa iyong kalusugang pangkaisipan o sa kalusugan ng isip ng isang mahal sa buhay, tawagan ang Lifeline sa 13 11 14.