Summary
Read the full fact sheet- Matutulungan mo ang iyong anak na makabangon mula sa nakababahala o nakakatakot na mga karanasan. Maaaring kabilang sa mga karanasang ito ang: mga aksidente sa sasakyan, mga bushfire at baha, biglaang pagkakasakit o pagkamatay sa pamilya, krimen, pang-aabuso o karahasan.
- Hahanapin sa iyo ng mga bata kung: paano mo mismo hinaharap ang krisis, paano ka tumugon sa kanilang mga nararamdaman at pag-aasal.
- Makakatulong ang mga tip na ito sa pakikipag-usap sa iyong anak tungkol sa kaniyang mga karanasan. Mahalagang sabihin sa iyong anak ang mga katotohanan, sa paraang mauunawaan niya batay sa kaniyang edad.
- Anumang oras ay makakahingi ka ng propesyonal na tulong. Magandang magsimula sa iyong family doctor (GP).
On this page
Ano ang reaksyon ng mga bata sa trauma
Ang tugon ng isang bata sa isang nakababahala o nakakatakot na karanasan ay depende:
- sa kaniyang edad
- sa kaniyang personalidad
- kung ano ang reaksyon mo o ng iyong pamilya
Maaaring hindi tumugon ang iyong anak sa paraang inaasahan mo. Maaaring siya ay:
- maging hindi palakibo – maaaring mawalan siya ng interes sa mga aktibidad. Maaari rin siyang maging hindi gaanong makumpiyansa, maging tahimik, o bumalik sa mga pag-uugali noong siya ay sanggol pa lamang.
- abala ang isip – maaaring kailangan niyang balikan ang karanasan. Halimbawa, sa pamamagitan ng paulit-ulit na paglalaro o pagguhit. Maaaring matakot ang iyong anak sa mga pangyayari sa hinaharap o maaari siyang magkaroon ng mga bangungot.
- nababalisa – maaaring magkaroon siya ng mga problema sa pagtutuon o pagbibigay-pansin. Maaaring gusto niyang maging malapit sa iyo sa lahat ng oras, magkaroon ng mga problema sa pagtulog o madaling madismaya.
- masama ang pakiramdam– maaaring sumakit ang ulo at tiyan niya.
Pwedeng mahuli ang reaksyon ng anak mo. Ang ilang mga bata ay maaaring mukhang maayos, ngunit maaaring mag-react pagkatapos ng ilang araw, linggo o kahit buwan.
Paano pag-usapan ang isang traumatikong pangyayari
Makakatulong sa iyong anak kung tapat ka sa kaniya. Maaari mong:
- tiyakin sa iyong anak na ligtas siya at tapos na ang pangyayari. Maaaring kailangan mong tiyakin sa kaniya ito nang maraming beses.
- makinig sa iyong anak. Seryosohin ang kaniyang mga alalahanin at damdamin.
- ipaalam sa iyong anak na gusto mong marinig ang tungkol sa kaniyang nararamdaman.
- sabihin sa iyong anak kung ano ang nangyari sa paraang naaangkop sa kaniyang edad. Gumamit ng mga salitang naiintindihan niya. Kung hindi alam ng iyong anak ang mga pangunahing detalye, maaari siyang mag-isip ng sarili niyang paliwanag sa nangyari. Maaaring gamitin niya ang kaniyang imahinasyon o limitadong impormasyon upang kumpletuhin ang kuwento. Maaari itong lumikha ng higit na pagkabalisa at pagkalito para sa iyong anak.
- siguraduhing alam ng iyong anak na hindi niya ito kasalanan. Maaari niyang isipin ito kung siya ay makulit o nag-iisip ng masama tungkol sa isang tao.
- pag-usapan ang pangyayari bilang isang pamilya. Pahintulutan ang lahat na magbigay ng kanilang opinyon, kabilang ang mga bata. Nakakatulong ito sa lahat na madama na sinusuportahan, pinakikinggan at nauunawaan sila.
- kausapin ang iyong anak kung paano tumutugon ang ibang mga tao sa pagkabalisa. Sabihin sa kaniya na ang kaniyang nararamdaman ay normal sa mga sitwasyong ito. Maaari mong tiyakin sa kaniya na magiging mas mabuti ang kaniyang pakiramdam sa paglipas ng panahon.
Paano ka maaaring tumugon sa isang traumatikong pangyayari
Ang iyong mga reaksyon sa damdamin at pag-uugali ng iyong anak ay makakaapekto sa kaniyang paggaling. Mahalaga na:
- maging maunawain sa mga pagbabago sa kaniyang pag-uugali. Iba't iba ang reaksyon ng mga bata sa nakababahala o nakakatakot na mga pangyayari. Ang mga pagbabago sa kaniyang pag-uugali tulad ng pag-aalboroto o pag-ihi sa kama ay normal.
- bigyan ang iyong anak ng karagdagang atensyon. Maaaring mahalaga ito sa oras ng pagtulog at sa iba pang mga oras ng paghihiwalay.
- humingi ng tulong para sa iyong sarili. Ang mga bata ay umaasa sa kanilang mga magulang o tagapag-alaga na ipaliwanag sa kanila ang isang krisis at tumugon. Kailangan nila ng mga matatanda sa kanilang paligid upang maunawaan ang kanilang mga takot at panatagin sila. Kung ikaw ay nababagabag, maaari ka ring makakuha ng suporta. Kung hindi mo ito gagawin, maaari nitong madagdagan ang takot at stress na nararamdaman ng iyong anak.
- talakayin ang iyong mga damdamin sa paraang angkop sa iyong anak. Makakatulong ito sa iyong anak na talakayin ang tungkol sa kaniya.
- tandaan na bawat isa ay magkakaiba at maaaring may iba't ibang emosyon. Huwag asahan na maramdaman ng iyong anak ang nararamdaman mo.
- bigyan ang iyong anak ng pakiramdam na may kontrol siya sa kaniyang buhay. Kahit ang paggawa ng maliliit na desisyon ay magpaparamdam sa kaniya na may kontrol siya. Ito ay lalong mahalaga pagkatapos ng kaguluhan sa isang krisis. Ang mga batang nakakaramdam ng kawalan ng kakayahan ay maaaring makaranas ng higit na stress.
- subukang huwag maging sobrang maproteksyon sa iyong anak. Normal para sa iyo na naising maging malapit ang iyong pamilya pagkatapos ng isang krisis. Ngunit mahalagang matulungan silang madama na ang kanilang mundo ay isang ligtas na lugar.
Mga gawain (routines) ng pamilya pagkatapos ng isang traumatikong pangyayari
Mahalaga na:
- panatilihin ang iyong regular na gawain hangga't maaari. Ito ay nagbibigay ng kapanatagan ng loob sa mga bata.
- palakasin ang loob ng iyong anak kung hindi niya kayang gawin ang karaniwang gawain niya. Maaaring kabilang dito ang pagpasok sa paaralan o paggawa ng mga gawaing bahay.
- iwasan ang pag-aalok ng mga pagbabago tulad ng mga bagong gawain, responsibilidad o inaasahan para sa kaniyang pag-uugali.
- panatilihin ang iyong tungkulin bilang nakatatanda sa bahay. Kung ikaw ay nahihirapan, mahalagang huwag umasa sa iyong anak para sa tulong.
Paano matutulungan ang iyong anak na gumaling:
Mahalaga na:
- bigyan ng maraming oras ang iyong anak sa paglalaro. Ito ay maaaring isport, ang kanilang mga paboritong laro at aktibidad kasama ang mga kilalang kaibigan.
- maglaan ng oras para magsaya. Makakatulong ang pagtawa, masasayang oras at kasiyahang pinagsasaluhan sa lahat ng miyembro ng pamilya upang bumuti ang pakiramdam.
- tandaan na maaaring magbago ang gana ng iyong anak. Kung ayaw niyang kumain sa oras ng kainan, mag-alok sa kaniya ng meryenda sa regular na mga oras sa isang araw.
- siguraduhin na ang iyong anak ay may sapat na pahinga at tulog.
- tulungan siya sa pisikal na ehersisyo. Makakatulong ito sa stress ng iyong anak at bubuti ang kaniyang pagtulog.
- limitahan ang asukal, mga pagkaing may kulay at tsokolate.
- tulungan ang iyong anak na pisikal na makapagpahinga. Maaaring ito ay paliligo na may maligamgam na tubig, pagpapamasahe, pagkakaroon ng oras ng kwento at maraming pagyakap.
- baguhin ang aktibidad kung ito ay nagpapabagabag o nagpapabalisa sa iyong anak. Halimbawa, isang palabas sa telebisyon na nagdudulot ng pag-aalala o takot sa iyong anak.
Kung sa anumang oras ay nag-aalala ka tungkol sa iyong kalusugang pangkaisipan o sa kalusugan ng isip ng isang mahal sa buhay, tawagan ang Lifeline sa 13 11 14.
Saan makakahingi ng tulong
- Ang Iyong GP (doktor)
- Ang iyong maternal at child health nurse
- Ang inyong lokal na community health center
- Paediatrician o Child and Adolescent Psychiatrist – maaaring irekomenda ka ng iyong doktor
- Phoenix Australia Centre for Post-traumatic Mental Health Tel. (03) 9035 5599
- Centre for Grief and Bereavement Tel. 1800 642 066
Maaari ka ring makakuha ng payo mula sa:
- Lifeline Tel. 13 11 14
- GriefLine Tel. 1300 845 745
- beyondblue Tel. 1300 22 4636
- Kids Helpline Tel. 1800 55 1800
- NURSE-ON-CALL Tel. 1300 60 60 24 – para sa ekspertong impormasyon at payo sa kalusugan (24 oras, 7 araw)
- Australian Parenting Website – raisingchildren.net.au